Bakit wala ako masyadong nababasa na nagsasabing mahirap maging isang anak? Bakit parating mahirap maging isang magulang? E mahirap kayang maging anak kung malayo naman ang loob mo sa magulang mo.
Hindi naman kasi isinisilang nang may kalakip na manwal ang isang sanggol ng magtuturo kung panu maging isang perpektong anak sa kanyang paglaki, bakit ba kapag naging masamang anak ka e wala kang modo? Hindi ba mas mahirap yung alam mong kaya mong maging mabuti pero naging mas masama ka dahil masyado ka ng nasasakal? Mahirap din namang maging anak kung ang magulang mo namay hinulma ka ng perpekto sa isip nila ngunit ang tunay na ikaw ay kabaliktaran ng kanilang nilikha.
Kung naging bastos ka lagi nalang matigas ang ulo mo, kung naging masunurin ka naman laging ikaw ang bida, pero alam nga ba ng magulang kung sino na nga ba ang anak nila? Alam ba ng bawat abalang tatay na ang anak nilang babae ay pinipilit maging matatag kapag mas pinapaburan nila ang kapatid na lalaki? Alam ba ng bawat mapagmatiyag na ina kung ilang anak na babae ang umiyak dahil sa walang kwentang anak na lalake? Alam ba ng mga magulang na nasa ibang ibayo kung ganu katindi ang problema ng anak nilang nalulunod na sa alak pero kulang sa pampahulas na yakap? Alam ba ng isang babaerong tatay at martyr na nanay kung panu mawasak ang buhay ng anak nila kahit na muka namang okay lang siya? Alam mo ba na kahit magulang ka na, hinuhusgahan ka parin ng nanay at tatay mo? Dahil isa ka paring anak.
Sinong may sabing madaling maging anak?
Magulang nalang ba ang parating dapat pakingan? Pano naman ang damdamin ng mga anak na napapariwara? Sana naiisip rin ng mga magulang kung bakit may anak na nanagot, biglang nawawala o nagkakamali. Mahirap maging anak sa magulang na hindi ka kilala, mas masakit ding isipin na bilang anak, mas kilala at nadama mo pa ang pagaaruga ng iba kesa sarili mong ama't ina.
Wag naman sanang anak lagi ang may diperensya kapag hindi naabot ang pinangarap ng mausisang magulang, sana minsan subukan din naman ng mga magulang maging kaibigan. Ano ba naman yung kusang loob mong ikain sa labas ang mag anak mo, o yun bang kahit anung panget sa anak matutuhan mong mahalin.
Wala rin namang anak ang gustong makasakit ng magulang kung ang magulang ay marunong umunawa't magmahal ng totoo.
No comments:
Post a Comment