Sa tanang pananatili ko dito sa maynila unang beses kong magbiyahe ng ako lang mag isa kahapon nung una ay may pagaalinlangan ako na baka maligaw ako o hindi na makabalik ng buhay (pasensya na masyado talaga akong paranoid)pero nakaraos din naman. Sumakay ako sa taxi na parang alam na alam ko kung saan ako pupunta, kunwari ay matagal na akong nakatira dito. Maayos naman at nakarating ako duon sa lugar kung saan napagkasunduan namin ng kaibigan ko na magkita. Dun palang eh solb na ako dahil pakiramdam ko nanalo na ako sa lotto dahil ito ang unang pagkakataon ko na umalis ng walang nakabantay o walang inistorbong ibang tao sa twing kelangan ko magpasama. Maaring napakababaw para sa iba pero sa akin hindi ko makakalimutan ang pakiramdam na para akong isang sisne na pinawalan sa sapa matapos ang matagal na pagkakaimpit.
Mapunta na tayo sa orihinal na paksa ngayong araw. Nakipagkita ako sa isang kaibigan na nag alok ng part time na trabaho na ayon sa kanya ay maaring kumita ng 15 libong piso. Sino nga ba naman ang hindi maeenganyo hindi ba agad namang naniwala ang inyong lingkod ngunit ng tinanong ko kung ano ang negosyong sinasabi nyang iyon ay hindi agad niya sinabi ang kompanya basta lamang enterprise ang kanyang sinabi. Nagkaroon na ako ng pagduda kung itutuloy ko pa o hindi ang pakikipagkita dahil kinukutuban akong isang uri ito ng trabaho na nangangailangang mangumbita ng ibang tao upang makaenganyong sumama sa kanila at makumbinseng pumirma upang maging miyembro.
Nang makarating kami roon una kong napansin ang mga tao na grupo grupong nakaupo sa ibat ibang sulok ng silid at tila ba ay lupon nang mga magaral na sabay sabay nagaaral ng iisang aralin. Ipinakilala ako ng kaibigan sa isang miyembro ng organizasyong iyon maya maya pa ay nakaupo narin ang aming grupo sa isang sulok at pinagpapaliwanagan na kami ng kanilang lider kung bakit dapat kami yayaman sa pamamagitan ng pagsanib sa kanilang alyansa.
Hindi nga ako nagkamali. Tama ang kutob ko at sa isip isip ko Anak ng! sana ay hindi na ko pumayag sumama sa kanila. Wala naman nga talagang mawawala kung susubukan kong makinig sa panghihikyat nila dahil nasa kamay ko parin ang huling desisyon subalit datapwat hindi parin maalis sa isip ko na nauto ako ng pang eenganyo niya sa 15 libong pesong sweldo para sa trabahong hindi naman full time. Bilang konsolasyon ay inisip ko nalang na atleast sinubukan ko ang opurtunidad at walang masama hanggat alam ko ang ginagawa ko.
Kagaya ng inaasahan kasama ng ilang taong hindi rin alam kung paano sila napadpad sa lugar na yon iisa lang ang pareparehong naming bitbit habang patuloy na dumadaosdos ang explenasyon ng nagsisilbi naming guro.Ang pagdududa.
Pagdududa sa produkto at sa kung paano sa isang iglap maari kang umasenso ng walang kahirap hirap. Pagdududa kung kakayanin bang gawin ang simpleng instruksyon na kailangan upang maging ganap na miyembro ang magbayad ng ika nilay maliit na halaga kumpara sa maaring kitain oras na sumali at maging abnormal ding gaya nila.
Sapat na ang isang beses nila akong pinagpaliwanagan dahil sa isip ko hindi ko kakagatin ang pinapain nila sakin dahil sa kabilang banda parang mas masarap parin ang maging ordinaryong taong kumikita ng sapat at higit ngunit hindi naman yung tipong pwede ka ng kidnapin sa sobrang laki ng kinikita mo. Ambisyon ko rin naman ang yumaman at aaminin kong sayang kung pakakawalan ko ang opurtunidad pero sa kabila nito magiging maganda ba kalalabasan kung umpisa palang e nababalot ako ng pagdududa.
No comments:
Post a Comment