Wednesday, October 5, 2011

Ang pagbabalik

Kamusta naman, pasensya na alam kong matagal na akong di nakasulat. Palibhasay nalimutan na kung paano nga ba maging bukas sa kaganapan ng aking buhay. Nanatiling mag isang sumusuong sa libong problema at kalungkutan. Pero heto na babalik na ang Pluma. Nakatanikala parin pero masigasig nang magsusulat upang makawala ng tuluyan sa mahigpit na kapit ng tanikala.

Marami ng nagbago sa akin. Nakilala ko ang bagong emosyon at nakatuklas ng mga pagbabago sa daang tinutungo. Habang pinapakinggan ko ang kantang haplos ng shamrock gusto ko sabihin sa taong napipintong umaalis ang isang payak na linya ng kanta.

"Huwag kang bibitiw sabay nating aabutin ang langit"

May mga pinagdadaaanan din kasi ang walong masasayang taon naming pinagsamahan. Hindi naman din laging walang problema, natuklasan ko rin na bukod kasi sa matagal nang issue ng kung ano mang meron kami ay meron nanamang bagong pagdadaanan at sigurado naman akong kung ano man yon bastat pareho naming hindi binatawan ang isat isay bibilang pa ng maraming taon ang aming samahan.

Eto ang news.

Nauntog ako.
Finally nauntog ako.
At dahil don nakita ko kung bakit ang sitwasyon namin ay nasa kabundukan parin at bakit hindi dapat magmadali sa pag akyat, kung bakit nanantiling maputik ang daan. Masyado nga naman kasing nakakapagod ang pagmamadali tapos ang bitbit pa sa likod ay buong bayan. Isang pagkakamali lang ay maaring mahulog sa bangin ang pinakaiingatang buhay.

Maswerte na nga kung maibalik pa ang buhay, pero madalas dead on the spot.

....

Sa kaso namin muntikan na akong dumaosdos pababa, muntikan na ring maglaho ang walong taon. Nung mga oras na yon, hindi ko alam kung ang nangyari bay pagsubok o talaga lang mahirap iangat sa putik ang paa? Iniisip ko kung bakit hindi kami nagkahawak ng kamay ng mga oras na yon, kung bakit mas nauna akong naglakad at masyado ata akong naging kampante sa dinadaanan ko. Nakalimutan kong siya nga pala ang nasa likod na kahit anong oras pwede siyang lumihis ng daan at iwan akong naglalakad mag isa sa kawalan.

Noon ko lang naranasan ang matinding bagyo sa gitna ng mabato, matarik at malawak na kabundukan. Ganon pala bumagyo sa bundok. Kahit may nakatanim sa sanlibong puno ay walang tiyak na kasiguruhan na hindi bibigay ang lupa na hindi ka mabibilang sa biktima ng landslide. Na kahit na hindi mo itensyon ang mga nangyari ay kelangan mong ihingi ng tawad. Na kahit hindi mo naman sinasadya ay kelangan mo paring lunukin ang natitirang kayabangan para maisalba ang matagal ng pinagkakaingatang buhay.

Hindi pala dapat maging kampante.

...

Kaya heto akoy nagbalik sa dati. Nagbalik upang lagyan ng laman ang blankong papel at isabuhay ang mga panahong dumaraan upang kahit paanoy meron parin akong mahahawakan sa oras ng kalungkutan, sa oras na ang buong mundoy hindi handang maging sandalan o kayay tagapakinig ng bawat hikbi, at mananatiling alaala ang bawat sigaw na kinakailangang pakawalan sa kapirasong bahaging ito ng mundo kung saan ang delete ay salita lamang at ang bawat binitawang titik ay hindi na kailan pa man mawawala sa mundo.

Sabay narin ang pagasang sa pamamagitan nitoy maibalik muli ang plumang nawala. Paunti unti parang si Basha, na binuo muli ang sarili matapos ang pagkalugmok sa sobrang pagmamahal na pati ang mga bagay na dapat tinitingnan ay pansamantalang nalimutan.




No comments:

Post a Comment