Wednesday, October 5, 2011

Obra

May lungkot sa iyong mga mata para bang mistulang ikay may nakalipas na tinatakasan. Bawat panaog moy kay bigat na tila ba hinihiling na matapos na ang paglalakbay. Butong hininga nalang ang namutawi sa labi mong kulang na sa halik.
Nasaan na kaya ang gumamela natuyot narin bang parang ang puso mo?

Sa wakas narating mo na rin ang iyong patutunguhan, ang itaas ng bundok na dumudungaw sa napakagandang pagsilang ng araw. Nalimot ang lahat ng pait, lungkot at sakit. May pagsibol ng pagasa kasabay nitoy iginuhit mo sa iyong canvas ang larawan na minamasdan ng iyong mga mata. Isang bagong umagang lumaya na sa madilim na kahapon.

Saglit pay ikinumpas mo na ang kulay pula sa iyong tarangkahan,sinusubukang timplahin ang mga kulay na pagsasamahin. Parang tinitimbang ang sukat ng tubig sa langis naalala mo nanaman ang mga sandaling nagpalitan ng mga salitang hindi kaaya aya kasunod nitoy mga impit na luha at malakas na sigaw, may paghikbi mula sa mahinang binibini. Nagmamakaawang wag kang lalayo. Ang sagot mo lamang ay pagdadabog, malakas na kalabog ng pinto at di na muling bumalik pa.

Ang langit ay kalmado sa kulay nitong azul, walang bakas ng pagulan, ngunit ang puso moy nagsisimula ng mangulilang muli,pinapanalangin na sanay sa bawat oras na iginugugol mo sa itaas ng bundok na yon ay hawak mo ang kanyang malalambot na kamay.
Ngunit hindi na. hindi na yon mangyayari pa, maraming taon na ang lumipas at hindi na muli pang magpapanagpo ang inyong pusong parehas ng nakatali sa iba.

Nais mo sanang isipin na ikay tunay ng maligaya sa babaeng iyong hinarap sa altar. Ngunit hindi mo maikakaila, sa bawat singhap mo ng masarap na hangin ay nadarama parin ang haplos ng kanyang mga kamay, ang kagiliwan nya sa pagyakap sa iyong katawan. Wala na ang dating nakasanayang mga bagay na siya lamang ang naglalakas loob na gumawa katulad nalang ng pagsiksik sa kiliki mo habang natutulog. Wala na ang matatamis na tinginan na kinaiingitan ng marami, ngunit mawala man ang mga yon ay tunay na Siya parin ang nagmamayari ng buong pagkatao mo. Siya parin ang ipinipinta ng iyong mga obra.

Sa magkabilang dulo man ng mundo ay may tali paring nakakabit na kailan may hindi na mapipigtas ng sino man.

1 comment: