Magdidilig sana ako kaya lang pagdungaw ko sa kalangitan e parang uulan kaya napagpasyahan ko nalang magsulat sa aking blog. Buti nalang mayroong isang sutil na bagay ang sumundot sa kamalayan ko.
Hindi ko alam kung alin ba ang mas nakakatakot yun bang magsisimula ka ng bagong buhay o yung magtatapos na ang nakasanayan mong gawain. Nasa gitna ako ng dalawang ito ngayon.
Wala paring siguradong direksyon ang buhay ko bukas yan naman ang natitiyak ko. Nagdadalawang isip parin kasi itong utak ko kung itutuloy ba ang pagkuha ng Masteral sa isang sikat na paaralan dito sa aming probinsya. (probinsya pero may Masteral san ka pa!) Isama mo na dyan na hindi ko masyadong gusto ang pokus ng araling ito pero dahil dalawang taon na din akong nakatanga at mis na mis ko na rin ang magkraming tuwing exam at dagdag ganda points na din kaya parang ayos lang na kuhanin ang kursong ito.
Yun nga lang wala akong maiturong dahilan kung bakit ba nagdadalawang isip ako sa opurtunidad na ito kundi yung takot na magsimula ulit at yung katotohanang dapat ko nang iwan ang nakasanayang pag tengga araw araw. Dalawang taon halos din akong hindi humarap sa pisara at nakihalubilo sa mga magaaral kaya wari koy nalimutan ko na ang maging isang estudyante.
Tila nga ba mas gusto ko pang magturo sa mga bata (day care teacher) kesa magdadag ng mas mataas na kursong mawawalang saysay lang kapag di rin ako nakahanap nang akmang trabaho. Nakatira pa naman ako sa lipunang puno ng mga taong napupuno ng mentalidad na pares ng mga alimango hihilain ka pa lalo pababa imbes na tulungan kang umangat.
Minsan wala ka ng choice kundi gawin yung ayaw mo pero ayos lang dahil kung yun lang ang magagawa mo para hindi ka naman tuluyang alipustahin ng sangkatauhan bakit mo naman tatangihan diba?
Wala naman sa ambisyon ko maging tambay poreber shempre kagaya ng karamihan nangangarap din ang pobreng ako na kahit paunti unti e may maipagmalaki rin akong pinagtagumpayan.
Haysha! Mga kachikas tsaka na ulit mangintriga. Abangan nyo nalang ang susunod na kabanata.
great blog, really liked how you write in Filipino(tagalog)...something I don't encounter often... keep it up :)
ReplyDelete