Naalala ko noon nung may tindahan pa sa tabi ng bahay namin ang unang beses na nakakita ako nang ibang nilalang yun bang parang hihimatayin ako sa pagkapula twing maabutan niya akong lumulapang ng paborito kong tsokoleyt ice candy. Hindi ko rin talaga malilimutan na dahil lang sa isang lalaki ay biglang gusto ko ng tumanda. Grade 1 ako at Grade 6 naman siya noon nagsimula ang lahat ng bumili siya sa ng toyo sa tindahan(kung tama ang pagkakaalala ko) tyempo namang ang kiring ako eh nakatambay dun hayon na pol in lab ako agad (pero ngayon napagtanto ko na hindi talaga lab yun, paghanga lang). Kung susumahin naman ay hindi namang kahiya hiyang nagkagusto ako sa kanya may kagwapuhan naman at may katangkaran at kapansin pansin ang kulay nya dahil maputi at maganda ang pagkaputi kumpara sa kulay kape kong balat at dahil dyan mas masasabi kong di hamak na mas maganda ang panlasa ko nung bata pa ako kasi noon naakit ako sa maputi at pag kapag maitim naman kahit pa sa iba'y kaakit akit papalya tiyak sa akin. Hindi ko rin malilimutan ang biloy niyang lumilitaw kapag siya'y ngumingiti isama mo narin ang malamlam niyang mata na kapag tumitig ay tila nakakatunaw. Nabuking naman ako ng tiyahin ko ng malaman niyang may paghanga ako sa paborito rin naman niyang suki. At kinonsente pa lalo dahil tuwing bibili sya eh malayo pa binubulyawan na agad ako para pumaroon sa tindahan.Wala akong kaalam alam na paparoon na pala ang noon ay perst lab ko upang bumili at sa puntong iyon di ko man lang nakuhang magsuklay kaya ang ending asar talo ako lalo.
Ang nakakabwisit pa ay nung nalaman kong ang bunsong kapatid niya ay kaeskwela ko pa(hindi ko talaga alam na magkapatid sila dahil ang layo ng itsura nila sa isa't isa). Kaya talagang pagkakalihim lihim ko ang pagkakagusto ko sa kanya dahil tiyak pag nabuking isang tambak nanaman ng pangaalaska ang matitikman ko mula sa mga walang kasing galing mangbuking kong mga klasmeyt.Mayroon nga ako noong talasulatan na punong puno ng mga drawing na puso at pangalan naming dalawa, awa naman ni Bro ay walang nagkamaling magbasa ng talasulatang iyon. Hanggang gumaradweyt na ang klase nila, nalungkot ako noon dahil bukod sa naging bihira nalang siyang bumili sa tindahan ay wala na akong pagkakataong makita siya duon sa iskwelahan.
Ngayon, pag naaalala ko yung mga araw na akala ko talagay iyon na ang tinatawag ng mga matatandang LAB di ko maiwasang matawa dahil sakay na sakay ako sa palabas na yon. Buti nalang at paghanga lang pala ang atraksyong naramdaman ko noon.
At kung alam ko lang na mas madali pala ang humanga nalang keysa sa tunay na mainlab sanay hindi na lumipas ang kabataan ko. Kung alam ko lang kung gaano kahirap ang mabigo kapag hindi naging maganda ang una mong pag ibig. Kung nalaman ko lang sana na hindi pala simple ang buhay kapag dumating ka na sa tamang edad. Kung naintindihan ko lang agad noon kung bakit sa twing makikita kong masaya ang aking pinsan ang sabi niya siya'y umiibig na ang bawat kasiyahang iyon pala ay may kasamang kalungkutan sa twing mabibiyak ang puso niya dahil sa pag ibig na naudlot ang pag usbong. Sana'y hindi ko na hinangad na tumanda ako agad at maranasan ang mainlab. Akala ko'y puro saya lang ang dulot ng pagkakaroon ng "perpektong" lalaki sa iyong tabi.
Ngunit nagkamali lang pala ako...
No comments:
Post a Comment