Sunday, February 14, 2010

Talulot ni Juan

Isang gabi nagising si Juan iniangat niya ang ulo sa kama at umubo, malalim ang ubo niya at medyo may kahirapan sa paghinga. Naisipan niyang maglakad sa tabing dagat bagamat nanghihina ay alam niyang makabubuti sa kanya ang pagsinghap ng hanging sariwa sa may dalampasigan. Malayo layo narin ang nilakbay ni Juan nababanaag na nga niya ang ilaw sa tore at hindi niya maiwasang malungkot sa twing ang ilaw niyon ay tatama malapit sa kanya. Saglit niyang itinigil ang paglalakad at umupo sa buhanginan minasdan ang kislap ng mga tala habang sa kanyang mga mata namay nagniningning ang pagpatak ng mga luha.
Unang gabing nag date si Maria at Juan sa tore nung sila ay katorse anyos pa lamang 6 na taon makalipas ay naging kabiyak na niya ito at isinalang ang una nilang supling makalipas lamang ang halos isang taon ng kanilang pagsasama. Naging matatag din ang kanilang samahan bilang mag anak subalit sinubok iyon ng minsang magkaroon ng di inaasahang away ang mag asawa. Natuklasan ni Maria ang kanyang si Juan ay nagkaroon ng anak sa ibang babae. Halos muntik na silang maghiwalay ng mga oras na yon ngunit nangibabaw kay Maria ang pag unawa at pagmamahal sa asawa miski pa nga alam nitong anumang sandali ay maaring ulitin ng asawa ang pagkakamali.
Nangako si Juan na di na muling uulit at natupad naman niya iyon simula niyon ay hindi na nga siya nambabae sa takot na hiwalayan ng asawa. Ayaw niyang masira ang halos 35 taon nilang pagsama na ni minsan ay hindi naman pinanawan ng pagmamahal o dili kayay nalipasan man lang ng pananabik. Araw araw parin kasing si Maria unang naiisip niya kapag may hindi maganda siyang nararamdaman kaakibat nang bawat pagaalala.
Hanggang sa
Bigla na lamang hinimatay ang Juan, lingid sa kaalaman niya ay ilang buwan na pala siyang inoobserbahan ng asawa, at sa bawat araw ay punong puno ng pagaalala si Maria kung bakit tila ba ang asawa ay nanghihina at namumutla at araw araw nalang nahihilo. Agad isinugod si Juan sa pinakamalapit na ospital at duon na nga nakumpirma ni Maria ang hinala na may sakit ang kanyang asawa. Lagi niyang pinagsisilbihan si Juan sinisugaradong magiging malusog at masaya ito sa kanyang piling ngunit ng araw na iyon luha at hikbi lang ang kanyang ginawa habang ang mga doctor ay kaliwat kanan kung makipaghunta sa kanya. Si Juan na laging matikas at mapagbiro ay nanghihinang unti unti nagsisimula na siyang bitawan sa gitna ng malalakas na alon ng karagatan. Si Maria na sadyang mahina at pinilit magpakatatag ay mistulang bangkang papel na naanod ng kalungkutan. Kinalimutan niya ang sarili upang maging isang mapagarugang asawa ngunit sa puntong iyon ang asawa na niya ang nagsawang alagaan ang sarili para sa kanya.
Pilit na ikinubli ng asawa ang sakit upang hindi masaktan ang misis, hinihikayat niya ang sarili na maging matatag ngunit matagal nang bumigay ang kanyang kalooban. Bago pa man ang araw na nalaman ni Maria ang kanyang kalagayan ay alam na niyang hindi maganda ang lagay ng kalusugan niya. Napadaan siya sa isang malaking hardin at pumitas ng tatlong pulang bulaklak tinangalan niya ang isa ng talulot at inilagay sa kanyang bulsa. Pag dating sa bahay bagamat hikahos sa paghinga ay buong galak paring binate ang asawang naghihintay sa kanyang pagdating sabay abot sa mga bulaklak. Ngiti lang ang isinukli ni Maria. Hindi na nito hinintay ang magsambit ng tanung si Maria agad nitong binagit na kada isang araw ay iaabot niya ang isang talulot hangang makumpleto ang isang bulaklak. Nagyakap ang mag asawa.
Kinagabihan ay naghanda ng mainit na paligo para sa asawa si Maria, hinaplos nito ang likod ni Juan na napupuno ng mga butlig, minamasdan niya ang bawat linya na para bang kinakabisa niya ang mga ito. Matagal na panahon na din ang lumipas ng huli niyang inusisa niya ang pangangatawan ng mister. Pinunasan niya ito na tila ba iyon na ang huli nilang pagkikita, tahimik na bumabagtas ang luha sa kanyang mga mata ng sinabi ni Juan na namimiss niya ang haplos at mga lambingan nilang dalawa. Matapos ay humingi ito ng paumanhin para sa kanyang pagkakasakit. Inilapat ni Maria ang kanyang kamay sa bibig ng asawa upang pigilan ito sa mga nais pa nitong sabihin. Duon ay muli niyang napansin na lalung pumutla ang mga labi nito kasabay nang unti unting pagkawala nang tikas nito sa katawan.
Natulog ang dalawa na mahigpit na nakayakap sa isat isa. Si Maria na ayaw nga halos bumitaw at Si Juan namay pilit na pinaiigting ang hawak sa asawa. Minamasdan nito ang mga linyang gumuguhit na ngayon sa ilalim ng mga mata ni Maria. Kinabukasan ay agad na binigay ni Juan ang isang talulot mula sa kanyang bulsa medyo di na kaaya aya ang itsura niyon mula sa pagkakalukot at na napipintong pagkawala ng buhay.Nang mga sumunod na araw ay lalu pang nalanta ang mga talulot hanggang sa
Sa huling araw na ibibigay niya ang talulot ay wala na si Maria sa kanilang tahanan, walang kahit na anong bakas ng Maria ang gumising man lang sa kanya upang magpaalam kung saang dako man siya hahanapin upang maibigay ang huling talulot. Lalung umigting ang paghinga ni Juan na halos di malaman kung paano pa iiktad upang makahinga. Hindi na nagpapapigil ang daloy ng luha at biglang takot na hindi na bumalik ang asawa, agad nitong sinipat ang tukador. Naroroon ang lahat ng gamit nilang magasawa walang labis walang kulang. Tiyak na babalik si Maria usal niya sa sarili.
Nang akmang isasara na nito ang pinto ng tukador ay nakita niya ang boteng may tubig at may kung anong lumulutang na bagay rito. Nang kanyang iangat ay tiningnan niyang mabuti kung ano iyon at napagtanto niyang iyon pala ang mga talulot na kanyang ibinigay sa asawa, agad naman niyang inabot ang liham na katabi lamang ng bote.

Juan,
Mahal kong Juan, Ilang taon nga ba kitang inalagaan? Akala mo bay hindi ko napapansin ang pagpapabaya mo sa iyong sarili? Hindi ko na nga halos kilala ang aking sarili ng dahil sa pagmamahal sa iyo, at kung iniisip mong magiging madali ang buhay ko kapag nawala ka para mo naring sinabing sanay hindi nalang ako nagpakasal sa iyo. Mahal kita ng buong buo walang labis walang kulang. Umalis ako hindi dahil ayaw kitang arugain, narito lamang ako tahimik na mamasdan ka. Hindi ko na hinintay na ibigay mo ang talulot dahil paniguradong pag abot mo nito sakin ay itoy luray na o dili kayay lanta na. Ayokong maging ganun din ang pagmamahal ko sa iyo kung kayat akoy lumisan muna ng panandalian. Nais kong habang akoy wala sa piling mo ay ikaw muna ang mag aruga sa iyong sarili dahil nais kong sa pagbalik ko ay makita kong kahit papaano ay bumuti ang iyong kalagayan. Ilagay mo lang ang talulot sa boteng ito at masdan mo sa tuwing malulungkot ka. Isipin mo nalang na akoy nasa isang malaking hardin at napapalibutan ng mga talulot mula sayo. Tatadaan mong ikaw lang ang aking pinakamamahal at salamat sa pagpapaligaya mo sa akin.
Nagmamahal,
Maria
Mula ng araw na iyon ay pinagbuti ni Juan ang pagaalaga sa sarili sinisikap niyang dalhin ang sarili sa doctor upang ipasuri ang kanyang kalusugan, kahit alam nitong wala ng pagasa ay sumige parin siya sa pag asang baka bumalik na ang kanyang minamahal na asawa. Habang lumilipas ang mga araw ay lalo naman siyang nagiging determindong bumuti ang kalagayan ngunit talagang mahirap ipanalo ang laban lalu pat wala ng lunas ang sakit na dumapo sa kanya. Unti unti na siyang nilalamon ng kahinaan. Nang isang biyahe patungo sa bayan ang nagpatigil sa ikot ng kanyang mundo.
Nakasalubong siya ng libing, isang matandang babae daw ang laman ng karo. At ng tanungin niya ang pangalan ng naturang babae ay sinabi ng mga nagsipag libing ang pangalang Maria Cruz. Pinaulit pa niyang muli at tama ngang pangalan ng asawa ang narinig niya. Halos mahugot ang kanyang puso sa natuklasan nauna pang pumanaw ang asawang nagaruga sa kanya.
Nang ungkatin niya ang dahilan ng pagpananaw ng asawa ay nalaman niya sumakabilang buhay ito matapos tuluyang magsara ang parehong baga niya na sinabayan pa ng brain aneurysm o pagputok ng ugat sa ulo. Matagal na palang may sakit ang asawa ngunit nilalabanan lamang niya ito upang patuloy na mapagsilbihan ang pamilya. Mula pa pala pagkabata ay sakit na niya ang pagkakaroon ng mahinang baga na lalong pinalala nang bawat pagaalalang naging sanhi ng stress sa puso nito kung kaya lalo lamang napupwersa ang kanyang baga kumbaga sa sakit ay parang sakit sa puso na maaring anu mang oras ay umatake gayon din ang kanyang problema sa dugo na naging sahin ng biglaan pagputok ng ugat nito sa utak. Isa lamang sa mga kapatid ng asawa ang nakakaalam tungkol sa lubha ng kalagayan nito at bago pa man malaman ni Juan ang tungkol sa sariling sakit ay nataningan na ng doctor ang asawa.
Hiniling ni Maria na siya na sana ang maunang mawala kaysa sa asawa sapagkat para sa kanya ay mas magiging madali ang mawala siya kaysa siya ang iwanan. Ang pagmamahal niya sa asawa ang naging dahilan ng kanyang paglaban hanggang sa huli. At yun din ang nais niyang ituro sa naiwang si Juan kung kaya’t napagdesisyunan niyang umalis at kung swertehin mat makabalik ay sadyang ipagdidiwang niya.
Tuwing gabi ng anibersaryo ng pagkamatay ni Maria ay laging nagaalay si Juan ng ibat ibang talulot ng bulaklak sa puntod ng nasirang asawa. Sa ganitong paraan ay parati niyang inaalala ang mga huling gabi na magkatabi silang natutulog habang minamasdan nila ang isa’t isa.
At kahit nang hihina na si Juan ay pinilit niyang lumaban upang maipakita na nirerespeto niya ang huling alaala ng asawa.

No comments:

Post a Comment