Hindi dahil nangunguna ka sa survey, hindi dahil maraming paninira ang naipinupukol sayo at marami ang nakikisimpatya, lalong hindi dahil anak ka ng mga dakilang mamayan ng Republika ng Pilipinas ay nararapat ka nang iboto.
Kung totoong magaling ka Noynoy para maging Presidente dapat ay alam mo kung paano ba maging isang mapagkakatiwalaang mamumuno na hindi nagpapasakop sa kung ano man ang pananaw ng iba, dapat ay hindi ka pikon at lalong hindi ka marunong mag urong sulong ng mga salita depende sa kausap. Kung totoong handa ka na hawakan ang pinakamataas na posisyon sa bansa ay dapat na alam mong hindi nagiisang sagot sa problema ang pagkitil sa korapsyon dahil ang korapsyon ay hindi lang ang nagiisang problema ng sambayanang Pilipinas.
Mama at Papa. Hindi na sila babangon mula sa pagkahimlay upang isalba pa ulit ang Pilipinas kapag nalugmok tayong muli sa administrasyon ng kanilang uniko iho sakali mang palarin itong manalo. Bakit? Nung nabubuhay pa na nga lang si Cory siya mismo alam niyang walang abelidad si Noynoy upang maging presidente kaya nga hindi niya ito ineendersong tumakbo sa pagkapangulo. Tapos kung kelan pumanaw na siya ay saka naman bigla parang kabuting nagsulputan ang panawagan na tumakbong Pangulo ang senador na walang ni isang batas na naiakda man lamang. Kung buhay pa kaya si Cory ngayon palagay mo kandidato si Noynoy? Malamang hindi. Malamang iba ang mga kandidatong nagsasabong ngayon.
Ayoko lalo sayo Noynoy simula nung mapansin kong ang istratehiya mo sa pangangampanya ay paninira ng kapwa kandidato. Wala ka ring matibay na plataporma kundi ang patungkol sa korapsyon. Alam naman ng lahat na normal na ang korapt sa Pilipinas. Abnormal pag nawala na yun ng tuluyan di ko tuloy maiwasang isipin bagay nga siyang tawaging Abnoy... abnormal ang solusyon niya sa totoong problema. Naniniwala ka ba talagang may solusyon ang problema ng korapsyon sa Pilipinas, ako kasi naisip ko wala talagang solusyon kung nakasanayan na nating maging tamad sa pagbabago sa ating mga sarili. Tayo kaya ang sanhi ng problema bakit ba sa Pangulo tayo umaasa ng pagbabago diba?
Ngayon, namimiligro nanaman ang Pilipinas kung magkamali muli tayo ng Pangulong iboboto baka mabura bigla ang lupang silangan sa mapa dahil sa mga baluktot at di maipaliwanag na pamumuno nang Presidenteng produkto ng bugso ng emosyon.E ano kung iboto ko si Villar o si Gibo, palagay ko naman kaya nilang mamalakad dahil bukod sa may experiyensya sila sa negosyo at pamamahala ng malaking kompanya o anu pa man, kaya nilang iharap ang bansang pilipinas sa buong mundo nang taas noo at may buong pagmamalaki. Kung mayabang man sila dahil may ipagmamayabang naman talaga at sa lagay na yun hindi na kinakailangan pa ng sikat na magulang o kapatid para makakuha ng botante.
Oo marahil administrayon si Gibo pero kahit na galing pa siya kay Arroyo hindi naman niya binibigo ang tao sa twing inihahayin niya ang kanyang plataporma, malinaw at diretso niyang sinasagot ang mga tanong, maingat ang sagot sinisigurado niyang kaya niyang panindigan ang bawat salitang binibitawan niya. Hindi katulad ni Noynoy sa lahat ng tanong iisa ang sagot. Kung walang korupt walang mahirap.
Kung walang korupt walang magtatrabaho walang uunlad walang sisipagin at malamang sa malamang wala ring mabilis at instant na solusyon sa laging napepending na trabaho. Tingin mo ba Noynoy kaya mo lakarin ang mga kung ano anong requirements sa gobyerno ng mag isa, na hindi ka aasa sa palakasan system. Aba kung kaya mo yun eh di ikaw na, ikaw na ang nagpapasikat. Kung yung mga marangal na nagtatrabaho nga nakokotongan pa eh palagay ko mas lalung gagaling sa pangungurakot ang mga buwaya kung ang hahawak sa Pilipinas eh walang bakal na kamay at plantsadong plano para sa kinabukasan ng bansa.
Tungkol naman kay Villar na tinawag mong Villaroyo, hindi ko alam na magaling kang magbansag ha, o talaga lang parte ito nang plano mo upang mahila pababa ang iyong kalaban? Uso pala sayo ang crab mentality ano? Lalo lang bumaba ang tingin ko sayo isama mo pa na halos balatan mo ng buhay si Villar sa lahat ng ipinaparatang mo sa kanya. Sana bago mo siya siniraan o hinusgahan man ay naisip mo kahit anu pa man ang paninirang sabihin mo sa kanya hindi parin nito mabubura ang katotohanang mas magaling ng di hamak si Villar pagdating sa pamamahala. At di mo maitatangging napakalaki ng tulong na nagawa ni Villar para sa Pilipinas hindi yata biro ang mag akda ng batas, at ni isa ay wala kang batas na naisulat o naipasa man lang. Korupt si Villar? Tingnan mo ngang mabuti ikaw ba ay hindi naging korupt nung ipatayo mo ang BSA nung panahon ng iyong ina? Bintang ka ng bintang kay Villar ng kung ano ano eh bakit nung hinamon ka niya ng Psychological test bigla atang nabahag ang iyong dila? Natahimik ka nalang basta? Takot ka ba na mabunyag ang mga iniingatan mong lihim dahil baka biglang mapulbos ang pinagmamalaki mong mga bobotante mo?
Pati New York Times gusto mo pang sabihing sinungaling? Buti nalang may recorded conversation na inioffer nilang isa publiko ngunit naging pipi nanaman ang kampo mo matapos na hindi umubra ang mga pambibintang mo? Sige lang patunayan mo pa lalo na hindi ka karapatdapat.
Aminin mo,sumulpot ka lang at nakilala nung namatay ang iyong ina. Utang na loob mo parin sa kanya ang buhay mo kahit na wala na siya, dahil sa kamatayan niya nabigyan ka ng pagkakataon upang maabot ang palasyo sa lupa. Mabuti sana kung kaming mga hamak na mamamayan eh maambunan din ng suwerte ng Palasyo e pano nalang kung ibang bulsa pa ang makinabang. Masisira lang ang pangalan ng ipinangangalandakan mong magulang. Masasayang lang mga botong nagtiwala sayo.
No comments:
Post a Comment