Kakatapos ko palang basahin ng kwentong isinulat ni Eros Atalia na may pamagat na Ligo na u, lapit na me. Bukod sa kakaibang larawan sa pabalat nito nais kong maaliw kung kayat naisipan kong lustayin sa paboritong bisyo ang naitabi kong kaperahan.
Bagamat sa mga unang pahina ng kwentuhan ay sumagi sa isip na nagkamali ata ako ng nabiling libro itinuloy ko parin ang masugid na pagbabasa. Ilang kapitulo pa ang nagdaan bago tuluyang nakasabay sa agos ng kwento. Makulit ang pagkakabalangkas ng kwento sapagkat nasiil ito nang mga katanungang kayang sagutin ng nag akda ngunit hindi ng karakter. Kung sa atake hindi tumama ang bala sa binaril pero nakuha paring makapanakot. Nakuha ng karakter ang sentimyento ko dahil parehas naming alam ang sagot pero walang explinasyon kung paano at saan nagmula ang sagot.
May mga pasundot sundot na tawang hatid ang aklat ngunit mas lamang na marami ang hatid na doktrina pang puso ang bitbit nito para sa mambabasa. Hindi masyadong romantiko gaya ng ordinaryong kwento, at lalong hindi sing pakla ng mga pagkaing ospital ang lasa ng bawat tagpo.
Kinurot ng karakter ni Jen ang buhay ni Intoy, winasak sa paraang buong pagkatao ng ating bida ang nalantad at nakahang sa ere ng mga katanungan. Hindi aral ang mapupulot sa kwento kundi emosyon nang nagpupumilit na itago ngunit kusang umuultaw.
Malaman ang bawat kalokohang binibitawan ng mga tauhan, may patama sa mga nagpapakitang gilas at sa mga lasing na naglalasing lasingan. May panaka naka mang pahina na laan upang pag pahingahin ang pag proseso ng litanya ng katanungan ay nababawi naman ito ng mga eksenang hitik sa imahinasyon.
Bibigyan ko ng tatlong bituin ang librong ito.
No comments:
Post a Comment