Balitang hindi nakakatuwa.
Ang malaman na ang pangulong initiman mo sa balota ay hindi ang siyang initiman ng mga kasama mong bumoto. Nakakalungkot na balita na ang nagwagi ay produkto nang mga mapagmanipulang tao sa likod nang mapagpanggap na maskara.Habang nagdiriwang ang buong pilipinas sa pagkakaluklok ng pinunong hindi ko pinagkatiwalaan. Heto ako pakiramdam ay isang talunang walang magagawa kundi tanggapin ang pag papasya ng nakakarami.
Gayunpaman, hindi ako susuko. Ipaglalaban ko ang pagbabago, simula sa aking sarili. Pagsisikapan kong bantayan ang magiging kaganapan sa anim na taong panunungkulan ng Pangulo ng Republika na mula sa boto na mula sa mga hindi pinagisipang emosyon. Botong walang lohika.
Naintindihan ko na nais nang nakakararami ang pagbabago, pero sa nakalipas na mahigit 48 oras nakita ko na hindi pa sapat ang kahandaan ng Pilipinas makakamtan ang pagbabagong minimithi. Mukang magkakaron tayo ng mas mahirap na daan patungo sa pangarap na ito. Hindi ko nakikita ang pagbabago na magmumula sa kamay ng naturang ika labinglimang presidente. Sa halip ang namamasdan ko ay mas maraming kaguluhan, mas laganap na korapsyon, palasyong napupuno ng kasinungalingan, maraming kalokohan ang pagtatakpan, trabahong mananatiling pangako at mas maraming mahihirap na lalong maghihirap.
Oo hindi ako manghuhula para sabihin ang mga bagay na ito, ngunit kung paiiralin ang matibay na pagoobserba at pagaaral sa mga katotohanang pilit itinatago ng mga mas makakapangyarihang pangalan sa buong bansa, hindi malayong mauwi rin sa ganyan ang konklusyon mo.
Hindi nga ba’t pinakamataas na posisyon ang masusi nating binantayan nang halos ilang araw, ilang buwan, at isang araw ng pagtitiis sa mahabang pila para sa isang boto na maaring magbago ng kalagayan ng bansang pinakamamahal. Ngunit paano na kung maling kandidato pala ang ikinalakal ng mas nakakararami? Paano na kung masirang muli ang tiwala sa teknolohiyang pilit na sinasabing may kredibilidad na magbasa ng iisang boto. Nakakatiyak ka nga bang hindi nasayang ang lahat ng pagod na ibinuhos mo?
Hindi nakakatuwang balita kung sa loob ng anim na taon, walang magandang pagbabago ang magaganap. Sigurado nga bang sa anim na taon kakayanin ng pamunuang mamumuno na burahin ang korapsyon sa bansa ni Juan?
At kung mapapatunayan ang pagkakamali sa aking konklusyon, buong puso kong tatanggapin ang maling paghusga na aking inilaban, ngunit kung mananatiling sarado parin ang bansang ito sa pagbabago, malugod kong sasabihing hindi ako kaisa sa milyong milyong bumuto para sa parehong gobyerno.
No comments:
Post a Comment